Umabot sa halos 403,194 ang tumangkilik sa bagong episode ng Batang Quiapo ngayong Martes sa Kapamilya Online Live.

Samu’t saring papuri ang iginawad ng mga netizens sa Direktor na si Coco Martin na gumaganap din bilang Tanggol sa nasabing teleserye.

Isa sa mga highlights ngayong araw ay ang inaabangang reaksyon ni Olga (Irma Adlawan) sa balitang pagkamatay ng kaniyang anak na si Greg (RK Bagatsing).

Dahil sa paramdam ni Greg sa isang panaginip, nakaramdam ng kaba si Olga at agad hinanap ang kaniyang anak sa mga nakabalik nilang tauhan.

Tanging yuko ang naisagot nila at hindi na nakontrol ni Olga ang kaniyang sarili upang magwala.

Pagkabalik ni Ramon na galing ding Quiapo ay agad niyang tinanong kung anong ginawa ng grupo nina Greg sa nasabing lugar.

“Hinanap lang po namin ang nawawalang shabu,” pagsisinungaling ng isa nilang tauhan.

Hindi man kumbinsido ay tinanggap nalang ni Ramon ang sagot.

Nang hilingin ni Olga na bumalik sila sa Quiapo upang ipaghiganti si Greg ay tanging pagtalikod lamang ang isinagot ni Ramon sa kaniya.

Sa kabilang dako, oras ang hinahabol ng pamilya ni Mokang (Lovi Poe) upang maoperahan si Mang Marsing (Pen Medina). Umaabot sa halagang isang milyon ang kakailanganing halaga upang masimulan ang operasyon.

Abangan ang iba pang kaganapan gabi-gabi sa FPJ’s Batang Quiapo, alas-otso, pagkatapos ng TV Patrol.