It’s the end of an era para sa powerful trio na sina Tito, Vic, at Joey.

Matapos ang apatnapu’t-apat na taong pag-ere sa noontime, inanunsyo nila ang pag-alis sa Tape Inc. na producer ng Eat Bulaga!

Marami ang nagtaka nang mapansing replay ang ipinalabas ng EB sa telebisyon. Ngunit sa kanilang YouTube chanel ay lumabas ang major hosts na TVJ kasama ang iba pang Dabarkads kung saan nagpaliwanag ang tatlo.

“Pumasok po kami ngayong araw para makapagtrabaho, pero hindi po kami pinayagang umere ng new management… ng live,” ani Tito Sen.

“Simula ngayong araw, May 31, 2023, kami po ay magpapaalam na… sa Tape Incorporated,” pasaring ni Bossing. “Karangalan po namin na kami’y nakapaghatid ng tuwa’t saya mula Batanes hanggang Jolo at naging bahagi ng buhay ninyo,” dagdag pa nito.

Nagpasalamat din sila sa mga naging tahanan ng Eat Bulaga! sa loob ng apatnapu’t-apat na taon kabilang na ang Kapamilya network.

“Hanggang sa muli. Saan man kami dalhin ng tadhana, tuloy ang isang libo’t isang tuwa.”

Ang pamamaalam ng TVJ mula sa Tape Inc. ay kasunod nang matagal ng usap-usapang hindi magkasundo ang hosts at bagong management ng Tape Inc. na pagmamay-ari ng pamilya Jalosjos.

Sa panayam ni Boy Abunda kay Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos na siya ring Chief Financial Officer (CFO) ng Tape Inc. nitong Abril na patuloy paring mapapanood ang tatlo sa Eat Bulaga.

“Kahit anong mangyari, hindi talaga sila pwede mawala sa Eat Bulaga,” saad ni Jalosjos.

Pero matapos mapanood ang interview, nagpasya si Tito Sotto upang magsalita.

Binanggit niya ang mga gustong pagbabago ng management sa Eat Bulaga! at ang mga utang nito kina Vic at Joey.

Ikinalungkot naman ng GMA Integrated News ang nangyari sa Eat Bulaga! at sinabing kaisa nila ang buong Pilipino sa pagdarasal para sa maayos at mabilis na resolusyon sa nasabing issue.