Naging record breaking ang isang episode na ipinalabas ng Batang Quiapo nitong May 29, 2023 matapos tadtadin ni Tanggol (Coco Martin) ang kaniyang pinsan na si Greg Montenegro (RK Bagatsing) ng bala sa Quiapo.

Kinumpirma ni Bagatsing ang pamamaalam ni Greg sa kaniyang Facebook post kung saan may caption na ‘Greg Montenegro, signing off’.

“Napaka swerteng masaksihan at maramdaman ‘yung dugo’t pawis na binibigay niyo bawat oras, para makapag bigay ng kasiyahan sa lahat ng manonood at taga suporta gabi gabi,” tugon ni RK.

Nagpasalamat din siya kay Coco Martin na siyang direktor ng nasabing teleserye at sa iba pang crew, cast, at ibang prodyuser na bumubuo sa FPJs Batang Quiapo.

‘PS: Ma’am Charo, sorry po. Labyu’ pabirong sabi ng aktor dahil sa ginawang pananakit nito sa karakter na si Tindeng (Charo Santos) sa record breaking na episode.

Hinala ng ibang netizens, may ibang project na naka-abang kay Bagatsing kaya natapos na ang kaniyang role sa nasabing teleserye.

Ang ibang kaganapan, abangan tuwing Lunes hanggang Biyernes, alas-otso ng gabi, pagkatapos ng TV Patrol.