Isa nanamang record breaking episode ang ipinalabas ng Batang Quiapo ngayong Lunes.

Hindi lingid sa kaalaman ng mga manonood na si Tanggol (Coco Martin) ang hinahanap ni Ramon (Christopher De Leon) bilang kaniyang tagapagmana.

Sa pagiging agresibo ng mag-inang Olga (Irma Adlawan) at Greg (RK Bagatsing), nakipag-sabayan ang dalawa kay Ramon upang hanapin si Tanggol sa Kanto Hidalgo.

Napagdiskitahan ni Greg ang pamilya ni Tanggol at binaril sa dibdib si Rigor (John Estrada) habang sugatan naman ang buong kaanak ni Tanggol.

Nang magtapat ang dalawang kampo ay napagtanto rin nito na si Tanggol ang nakakuha ng droga at sinabihan ni Greg na puro porma lang ang mga taga-Quiapo.

“E ‘di subukan natin,” nanghahamok na tugon ni Tanggol sa kaniyang pinsan bago nito pinaputukan ng bala sa tiyan.

Sa makapigil-hiningang bakbakan ay tunay ngang hindi magagapi ang katapangan ng mga taga-Quiapo sa kanilang pagkakaisa.

Nang halos wala ng matira sa mga tauhan ni Greg ay pinili niyang tumakbo para makatakas ngunit nabaril ang kaniyang panabla dahilan para mawalan siya ng matatakbuhan.

Lingid sa kaalaman ni Tanggol na siya’y pinsan ni Greg, tinadtad nito ng bala hanggang sa magmakaawa ito na ‘wag siyang tuluyan.

“Kapag hindi ko tinuluyan ‘to ay baka tayo naman ang balikan nila upang tapusin,” ani Tanggol.

Walang alinlangan niyang pinagbabaril muli si Greg hanggang sa mawalan ito ng buhay.

Ang kutob ng mga netizens, marahil ipapakilala na ang babaeng kapatid ni Greg dahil uuwi ito sa burol niya.

Ano ang magiging reaksyon ni Olga sa pagkamatay ni Greg?

Abangan gabi-gabi ang Batang Quiapo, alas-otso, pagkatapos ng TV Patrol.