Matatandaan noong Mayo 23, 2017, mahigit 1,400 na sundalo at sibilyan ang nasugatan dahil sa laban upang mabawi ang lungsod, 168 sa panig ng pamahalaan ang namatay habang sa kalaban ay 978 kasama ang magkapatid na Maute at si Hapilon habang 12 sa kanilang tauhan ang naaresto.

Naitala rin ang pagkasawi ng 87 na sibilyan kung saan ang 40 ay dahil sa sakit sa kasagsagan ng bakbakan.

Mula mosque, commercial complex, iba’t ibang gusali, paaralan, ospital, at tahanan ay nawasak sa tindi ng bakbakan.

Ang Marawi siege ang ugat ng deklarasyon ng Martial Law sa Min­danao noon.

Idineklara ang kalayaan ng Marawi o Marawi Liberation noong  Oktubre 17 sa nasabing taon makaraang makumpirmang napaslang sa bakbakan ang dalawang lider ng ISIS.

Sa pamamagitan ng itinatag na Task Force Bangon Marawi noong June 2017 ay sinimulan ang rehabilitasyon ng Marawi City kung saan talagang tinutukan ni Pangulong Duterte at  Department of Human Settlements and Urban Development ang mga pangunahing proyekto para sa pagbangon ng Marawi City.

Gayunpaman, halos 95% na ang natapos sa temporary shelters, habang ang itinatayong dalawang libong permanenteng pabahay para sa mga mamamayan ng Marawi City ay nasa 65% na at target na matapos bago sumapit ang June 2022.

Ipinagmalaki ito ni Secretary del Rosario na nasa tamang landas ang Task Force sa mga ginagawang proyekto at karamihan sa ginagawang rehabilitasyon ay inaasang matatapos ngayong 2021, at muling babangon ang Marawi City bilang isang maunlad na lungsod.

Ang mga transpormasyon na ito ng Marawi City ang magsisilbing susi sa pagbangon ng lungsod tungo sa pag-unlad dahil ang dating pinangangambahang panganib ay hanggang alaala na lamang.

Tinitiyak ng gobyerno na kasabay ng pagsulong ng pag-unlad ay ang pangmatagalagang kapayapaan sa lugar dahil nalansag na ng puwersa ng gobyerno ang mga teroristang minsan ng naghasik ng karahasan.

Tinutugunan din ng pamahalaan ang iba pang pangangailangan para hindi na mauulit ang radikalisasyon at paghahasik ng lagim ng mga terorista.